alas-quatro y medya ng madaling araw. ginising ako ni ate, sinabi sakin na bilisan ko daw at tatawagan ako ni mama. medyo naguluhan ako sa mga sinabi niya. ako'y bumangon at narinig ko na may tumatawag. si mama nga ang tumawag. sabi sakin ni ate na kakausapin daw ako. sinabi sakin ni mama na bilisan ko daw ang pagkilos. parati niyang sinasabi sa akin iyon kaya medyo nayamot sa pagsabi ng "opo". sabay sinabi niya sa akin...
"patay na si tatang. namatay siya nung 1:20..."
ako'y nanlumo. nalungkot ako sa balita. kinagabihan lang ay dinala siya sa ospital kaya hindi ko ito inaasahan. masyadong marami ang ginagawa sa eskwelahan kay hindi kami nakapunta.
noong ako'y pumasok ay hindi ako nagpapakita ng senyales ng kalungkutan. ayokong kaawaan ako ng aking mga kaklase hindi dahil gusto kong ipakita na malakasako, ngunit dahil ayokong ipaalam na nagluluksa ako. dalawa lang ang binalitaan ko, sina pao at mico lamang....
hapon na at ako'y nakauwi na sa bahay. sabi ni mama ay pupunta daw kami sa lamay. ako'y naligo at naghanda, at kami'y tumungo sa punerarya.
habang kami'y papunta ay nakakadama ako ng kalungkutan. mabigat ang pakiramdam ko. siguro ay talagang nakakabigla ang balita. kay bilis lang talaga lumipas ng panahon.
kami'y nakarating doon at nang tinignan ko siya ay hindi ko napigilang lumuha. napakarami ng aking pagkukulang kay tatang. napakaraming pagkakataon na ipinagpapalit namin siya para sa aking mga personal na gawain. ako'y naging maramot sa kanya bilang isang apo.
naaalala ko noon, tuwing makikita niya ako'y lagi niya akong niyayakap at kinukulit. lagi niya akong tinatanong kung may gf na ba daw ako. sinasabi ko na wala. tapos sasabihin niya sa akin na dapat daw ay magkaroon na ako. nanghihinayang ako at hindi niya naabutan ang aking magiging kabiak.
isa pang naaalala ko sa kanya ay lagi niyang sinasabi na kapag nanalo daw siya sa lotto ay magbabakasyon daw kami sa ibang bansa. lagi niyang sinasabi yun, kaya lagi siyang tumataya sa lotto.
gusto ko sanang malaman niya kung gaano ko siya kamahal, ngunit huli na ang lahat bago ko pa man ito masabi sa kanya. hanggang sa mga litrato ko na lang siya makikita at sa panaginip makakasama. hanggang alaala na lamang, hanggang alaala na lamang.
sabado ng hapon ay bumalik kami. buong araw ay nandoon kami (maliban sa ilang oras na nagpunta kami sa bahay upang magpahinga't maligo). tinitignan ko siya at iniisip na tila kinakausap ko siya. ayokong umiyak, sapagkat iniisip ko na ayaw niya rin akong makitang umiiyak. masakit man, ngunit kailangang tiisin.
dumating ang linggo. araw na ng libing niya. kami'y bumalik sa bahay upang ihanda ang aming sarili. kami'y bumalik sa punerarya upang kumain at masaksihan ang pagsasara ng kanyang kabaong. mahirap pala talaga kapag ika'y mawawalay sa isang taong mahalag sa buhay mo. bawat sandaling nakasama mo ay muli mong aalalahanin at muli mong nanamnamin ang mga alaala hanggang ika'y mapaluha sapagkat alam mong hind mo na muling mararanasan ang mga ito.
nakarating na kami sa kanyang huling hantungan. dito ay binuksan ang kanyang kabaong sa huling pagkakataon. hindi ko na napigilang umiyak, sapagkat napakarami kong kasalanan sa kanya. hindi kaya ng konsyensya ko na isipin ang mga kakulangan ko. namanhid ako ng sarili kong kagustuhan.
pagkatapos ng misa ay inilibing na siya. tinakpan, at tanging mga dasal na lamang ang kanyang matatanggap.
ipagdasal po natin ang kaluluwa ng aking tatang na si Valeriano...
Sunday, July 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment